Sean Christian Palaypay
Financial Adviser ng Sy-Magalona Corporation
Financial Adviser ng Sy-Magalona Corporation
PSA: Inflation rate for 2015 at 1.4%
Paliwanag sa Artikulo :
Ang implasyon ay ang pangkalahatang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa pamilihan. Masasabing naganap ang pangyayaring ito sa artikulong ito sa pamamagitan ng iilang mga dahilang isinaad sa nasabing teksto. Una ay ang mataas na demand ng tao sa mga binebentang produkto o serbisyo noong "holiday season" na naging sanhi ng pagtaas ng presyo ng iba't ibang bilihin, at ang pangyayaring ito ay tinatawag na demand pull na kung saan mas mataas ang demand ng tao kaysa sa bilang ng mga produkto at serbisyong binebenta sa pamilihan. Ang ikalawa naman ay dahil sa mga kalamidad na naganap na lubhang nakaapekto sa ating mga agrikultural na lugar, at ito'y nagbunga sa pagbagal ng produksyon, paghatid at paglipat ng mga produkto. Ito nama'y tinatawag na cost push na kung saan tumataas ang presyo ng mga salik ng produksyon dahil sa pagkukulang sa hilaw na materyales para magawa ang mga yaring produkto na nagiging sanhi rin ng pangkalahatang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo o implasyon.
Reaksyon/Komento:
Sa aking pananaw, hindi mabuti ang implasyon kung gusto ng isang ekonomiyang umunlad dahil kung mangyayari ito, naaapektuhan ang bawat aspekto ng buhay ng isang tao lalong lalo na ang kanilang pamumuhay, at halimbawa na rito ang mga nagtatrabaho sa larangan ng agrikultura. Bagamat ito'y totoo, batay sa artikulo, masasabi ko na kahit papaano ay gumagawa na ng mga hakbang ang pamahalaan upang maresolba ang implasyon sapagkat noong 2014 ang average inflation rate ay 4.1%, at matapos ang isang taon, naging 1.4% na lamang ito. Inasahan itong mangyari dahil sa pagbaba ng presyo ng iba't ibang mga produkto gaya ng langis, bigas, mais, at marami pang iba.
Makabuluhang Mungkahi:
Bilang isang Pilipino, kailangan natin tulungan ang ating bansang umunlad partikular na ating ekonomiya. Magagawa natin ito kung tatangkilikin natin ang ating sariling produkto, at minumungkahi ko rin sa inyo na maghanap ng alternatibong produkto kung sakaling mawala ang produktong iyong hinahanap. Kung gagawin natin ang mga sumusunod, ating makakamit ang kaunlarang ating ninanais, kaya dapat tayo ay magkaisa.
Sanggunian:
N/A. (2016 January 5). PSA: Inflation rate for 2015 at 1.4%. Retrieved from http://cnnphilippines. com/business/2016/01/05/ inflation-rate-2015.html